where the writers are
Naliligaw sa Mundo Mo!

“Bata.”

Anong pumapasok sa isip mo kapag naririnig mo ang salitang “bata”? Ano ang nararamdaman mo kapag naririnig mo ito?

Kung ako ang tatanungin mo, simple lang ang sagot ko, ang sagot ko ay ‘malaya’. Simpleng salita ngunit ito’y napakahalaga.

Kapag naiisip ko ang salitang bata, o ang mga bata, nararamdaman ko ang pagiging malaya lalo na kung nakikita ko ang mga ito na naglalaro at nagtatawanan. Napaka-inosente nila sa kanilang mundong ginagalawan at malayang-malaya sa mga problema na bumabalot sa mundo ng mas nakatatanda.

Kung minsan, nakakainggit ang mga bata dahil wala silang mga intindihin sa buhay at ang tanging mga pinoproblema lang nila ay kung paaano manalo sa laro nilang magkakaibigan o kung paano sagutan ang mahirap na assignment ni ma’am o di kaya nama’y kung paano makakatakas kay nanay at tatay para makapaglaro. Napaka-simple ng mundo ng mga bata at iyon ay dahil bata nga sila, karapatan nilang maging malaya.  Ngunit ewan ko lang kung napansin mo, may mga ilang bata ang naligaw sa mundo ng mas nakatatanda, dun sa magulong mundo na nababalutan ng mga problema. Oo, may mga naligaw dun at dumadami pa sila.

Noong una, kagaya ako ng iba na hindi ito napapansin. Hindi ko namalayan na may mga bata na pala talagang pumasok na sa mundo ng mas nakatatanda. Alam kong may mga ganoong balita: na may mga batang nagtratrabaho para sa kanilang pamilya at alam kong may mga batang namamalimos. Ngunit hindi ko inakalang iba pala ang sitwasyon nila. Noon napaka-babaw lang ng salitang “child labor” sa akin, pero noong napanood ko ang dokyumetaryo ni Ditsi Carolino na pinamagatang, “Minsan lang sila Bata”, napagtanto na napakabigat ng salitang “child labor”. Ito ang dalawang salita na hindi dapat pinagdugtong.

Tatlong lugar lamang ang pinuntahan ni Ditsi para ipakita sa dokyumentaryo niya kung gaano kahirapa ang hinaharap ng mga batang nagtratrabaho sa mga lugar na ito, ngunit sapat na ang mga ito… sapat na para mabuksan ang ating mga mata.

Sa Cebu, aakalain mo bang may mga bata pala na nakakapagtrabaho sa slaughter house. Kung sa atin ngang matatanda, napakabigat na ng trabahong pagiging matador, ano pa kaya sa mga bata na nasa edad 10 hanggang 14 lang? Napakaraming panganib na naka-ambang sa paligid nila. Nandiyan ang matatalim na kutsilyo na gamit-gamit nila sa pagtatanggal ng balahibo at taba ng baboy na maaring humiwa sa kanilang munting mga kamay. Nandiyan ang bagong kulong tubig na maaring tumilamsik sa kanila. At ang madulas na semento na maaring ika-pilay o ika-bagok nila. Gayun pa man, wala silang makukuhang benepisyo dahil batang manggagawa lang sila. At wala din silang nakukuhang sweldo kundi ang mga kakarampot na laman at taba ng baboy dahil batang manggagawa nga lang sila. Pero sa halip ay patuloy sila sa ganoong trabaho para may pantawid gutom at at makatulong sa pamilya.

Sa Ormoc, may mga batang ‘hornal’ – mga taga-tabas ng tubo sa kabukiran o hacienda. Napakaliit ng kanilang mga katawan ngunit pagkatataas na tubo ang tinatabas nila gamit ang matatalim na gulok. Ang masakit pa dito ay napupunta lang sa utang nila sa mga pagkain sa hacienda ang sweldo nila na P26 kada araaw. Hindi birong trabaho ito lalo na sa mga bata na nais sana ay makapag-aral.

Sa Dapitan, at ang para sa akin ay ang pinaka nakakabasag ng puso sa lahat, may mga batang kargador na ginugulangan ng mga mas nakakatanda nilang katrabaho, maging ng tinatawag nila na bantay na siyang nagpapasweldo sa kanila sa pier ng Pulawan. May mga kasama silang mas malalakas, mas malalaki ang katawan, at mas matanda sa kanila, pero bakit? Bakit tanging silang mga bata ang nagpapakahirap na bumuhat ng mga saku-sakong semento na may bigat na 40 kilo kada isa at may bilang na dalawang libo na kailangang ubusin sa loob ng dalawaang araw. Higit pa ito sa kanilang timbang! Napaakatuso ng matatandang kargador at marahil ay mga wala ngang puso. Paano nila nakakayang hayaang gawin nitong mga bata ang mas mahirap na trabaho. Maging sa hatian ng sweldo ay kawawa ang mga paslit. Ang buong paghihirap ng mga batang kargador kasama na ang pagsinghot nila ng alikabok ng semento ay katumbas lang ng P10. Mayroon kayang mga anak o batang kapatid ang mga tusong matatandang kargador na ito?

Ang bata ay dapat malaya! Huwag sana natin silang hayaang pumasok sa mundong ginagalawan nating mas nakatatanda. Hindi sila nararapat sa mundo natin dahil sa ngayon ay bata lang sila at minsan lang sila bata. Iparanas naman sana natin sa kanila ito at huwag ipagkait.

Tatlong mga lugar lang at mga ilang bata ang naipakita sa dokyumntaryo ni Ditsi pero laganap ang “child labor” sa ating bansa at marami pa ang alipin nito, maging sa iba pang mga bansa. Tila yata habang mas nagiging moderno at maunlad ang mundo ay may mga bagay na naipagwaalang bahala natin.

Mabigat ang salitang “child labor”. Ito ang dalawang salita na hindi dapat pinag-dugtong. Huwag natin itong suportahan!

Ngayon muli kitang tatanungin, ano ang nararamdaman mo kapag naririnig mo ang salitang ‘BATA’?